Muling nakumpleto ang pamilya ng Lokal na Pamahalaan ng Padre Garcia kasabay ng pagbabalik ni Mayor Celsa Braga-Rivera sa lingguhang pagpupugay sa watawat ng Pilipinas ngayong Lunes, ika-3 ng Agosto, na nagsilbing hudyat ng pagsisimula ng panibagong buwan at linggo ng serbisyo publiko.
Naging tampok sa programa ang pagbibigay-pugay sa mga huwarang lingkod bayan, kabilang ang mga tanod ng Barangay Quilo-Quilo North at ang kanilang Punong Barangay, Kapitan Heriel Bautista, na kinilala sa kanilang mahalagang ambag sa pagpapanatili ng kaayusan, kapayapaan, at kaligtasan sa bawat aktibidad na isinasagawa sa Padre Garcia Cultural and Sports Center.
Pinarangalan din sa pamamagitan ng isang plake at Sangguniang Bayan Resolution si Gng. Lilia Comia para sa kaniyang apat na dekada ng tapat at mahusay na paglilingkod bilang kawani ng Pamahalaang Bayan ng Padre Garcia.
Pormal namang ipinakilala sa mga empleyado ang 25 mga kabataang benepisyaryo ng Special Program for Employment of Students (SPES) na makakatuwang ng lokal na pamahalaan sa paghahatid ng serbisyo sa mga mamamayang Garciano, kalakip ang pagkakataong kumita at mapalawak ang kanilang karanasan sa paglilingkod.
0 Comments