Ipinagdiwang ng buong bayan ng Padre Garcia ang makabuluhang pamana na naitatag ng Padre Garcia Polytechnic College (PGPC) sa loob ng nakalipas na dalawang taon—isang matibay na legasiyang magsisilbing gabay at inspirasyon ng mga susunod na henerasyon.
Hindi napigilan ni Mayor Celsa Braga-Rivera na balikan ang mga hamon at sakripisyong kanilang pinagdaanan bago tuluyang maisakatuparan ang pagtatayo ng kolehiyo na unang pinangarap ng kaniyang kabiyak na si dating Mayor Mike Rivera.
Hinikayat naman ni Vice Mayor Micko Angelo Rivera ang mga mag-aaral na lubos na pahalagahan ang pagkakataong makapag-aral sa isang de-kalidad at maayos na institusyon, kasabay ang pagtiyak na patuloy na nakaagapay at nakasuporta sa kanila ang Lokal na Pamahalaan ng Padre Garcia.
Sa kasalukuyan, humigit-kumulang 1,400 na mga kabataan ang nag-aaral sa PGPC at kumukuha ng mga programang Bachelor of Public Administration, Bachelor of Science in Criminology, Bachelor of Science in Computer Science, at Bachelor of Science in Management Accounting.
0 Comments