Kasabay ng pagbubukas ng bagong taon ay ang pagbubukas din ng bagong tahanan ng serbisyo publiko sa Brgy. Payapa—ang tatlong palapag na modernong barangay hall na itinayo sa ilalim ng "Alagang Siling Labuyo" Program.
Pinangunahan ni kura paroko, Rev. Fr. Servando Sentales, OSJ ngayong araw ng Lunes ang blessing ng gusali na dinaluhan ng mga halal na opisyal, hanay ng kapulisan, mga barangay functionaries, at ilang mga residente ng nasabing barangay.
Simula pa lamang ng programa ay ipinaabot na agad ng masigasig na ama ng Brgy. Payapa, Kapitan June Escalera, ang kaniyang taus-pusong pasasalamat sa malaking biyaya na kanilang natanggap na aniya'y malaking tulong sa kaniyang nasasakupan.
Ayon sa dating congresswoman, Kgg. Lianda Brucal-Bolilia, ang bagong barangay hall ay patunay na walang puwang ang katiwalian sa ilalim ng kaniyang panunungkulan sapagkat ang mga buwis na ibinabayad sa pamahalaan ay tinitiyak niyang mapakikinabangan ng mga mamamayan.
Sinang-ayunan ito ng mahusay na ina ng bayan, Mayor Celsa Braga-Rivera, kasabay ang pag-uulat na lahat ng mga barangay sa buong Padre Garcia ay mayroon nang maaayos na mga barangay hall kung kaya't mabilis nang naihahatid ang iba't ibang serbisyo para sa mga Garciano.
Samantala, nangako naman ang biseng-biseng kaibigan ng mga mamamayan, Vice Mayor Micko Angelo Rivera, na tututukan niya sa mga darating na taon ang edukasyon ng mga kabataan sa pamamagitan ng pagpapatayo ng mga bago at modernong gusali sa lahat ng mga pampublikong paaralan.
Sa huli, pormal na isinulit ng kasalukuyang kinatawan ng ika-apat na distrito, Cong. Caloy Bolilia, ang bagong barangay hall sa mga residente ng Brgy. Payapa kalakip ang pakiusap na ingatan ang gusali upang patuloy itong mapakinabangan ng mga susunod na henerasyon.
0 Comments